Maraming wika,
biyaya ng kabihasnan,
sangkap-Pinoy na namumukod tangi.
Iba’t ibang panulat at pananalita,
pinagbuklod ng iisang kultura, damdamin at mithiing
para sa kapwa at sa Inang bansa.
ABAKADA- iyan ang isa sa mga salita na una kong natutunan noong nagsisimula pa lamang akong mag-aral. Sa katunayan, isang popular na libro ang naging una kong guro, ang dilaw na libro ng abakada.
Sa aking paglaki, unti-unti akong namulat sa iba pang wikang umusbong at yumabong sa Pilipinas. Dati rati, sa aking murang pag-iisip, nag-iisa lamang ang itinatangi kong Abakada, na wala nang iba pang wika ang nag-ugat, nagka-ugat, maririnig at mababasa sa ating bansa kundi ang Abakada. Laking gulat ko nang malaman kong humigit sa 100 ang wika natin sa bansa.
Naitanong ko tuloy sa aking sarili, “Ano naman ang magandang maidudulot nito sa aming bansa? Hindi ba’t mas magulo at mahirap magkainitindihan kapag napakarami nating wikang ginagamit at naririnig?”
Dumaan ang mga araw, napilas na ang mga buwan sa kalendaryo, nakailang palit na rin ng presidente ang Pilipinas, wala pa ring naging kasagutan sa mga katanungang minsang naglaro sa aking diwa. Hanggang sa nakalimutan ko na ang mga tanong. Binura na ito ng mga bago kong pinagkaabalahan ngayong lumaki ako, nagkaisip at nag kolehiyo.
Sa isang iglap, sa isang tik tak ng orasan at pagtaas ng usok sa himpapawid, mabilis na bumalik sa akin ang mga mumunting bagay na minsan nang naglaro sa aking isipan nuong bata pa ako. Sa tema ng Buwan ng Wika ngayong taon, nagbalik ang lahat. Ngayong mulat na ako at hindi lang Abakada ang alam na bigkasin, masumpungan ko na kaya ang kasagutan sa matagal ko nang katanungan?
Nagtanung tanong ako sa mga kaibigan, kaklase, guro, kasambahay pati na rin sa mga kasamahan ko sa simbahan. Napakunot ang noo nila sa tema na tinutukoy ko. Wala sila halos masabing kagandahan ng pagkakaroon ng maraming wika tungo sa matatag na bansa. Niratrat ako ng mga katanungan, “Paano naman mangyayari iyon?”, “Hindi ba’t contradicting ‘yun?” at marami pang katulad na katanungan. Hindi raw maganda ang maidudulot ng pagkakaroon ng maraming wika. Inilalagay lamang tayo nito sa pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan at hindi pagkakaintindihan. Wala raw tayong magiging pagkakaisa bilang isang nasyon, nagkakaroon lamang daw ng pagbubukod bukod ng iba pang maliliit na nasyon sa Pilipinas tulad ng Ilokano, Pangasinense, Kapampangan, Bikolano, Bisaya, Waray, Tausug, Dumagat at marami pang iba. Tulad ng isang cold war sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano dulot ng magkaibang pananamplataya at nauwi sa pag kakanya kanya, ganito raw ang kasuklam suklam na dulot ng pagkakaroon ng maraming wika.
Tunay nga bang ganito lamang ang ating kahihinatnan sa paggamit ng maraming wika? Hindi ba ito ang magbibigay liwanag at gigising sa matagal nang pagkakahimbing ng ating bansa?
Mayaman ang ating bansa, sa likas na yaman, magagandang tanawin, mga mamamayang hitik sa talento at kasanayan. Iniwanan tayo ng ating mga ninuno ng isang malakas na sandata tungo sa mga laban na susuungin ng ating bayan. Walang dudang napakayaman ng ating kultura, isang bagay na dapat nating ipagmalaki. At ang pagkakaroon ng maraming wika ang isang unang manipestasyon ng pagkakaroon ng isang mayamang bansa.
Napakarami nating maaaring gamitin upang makabangon at muling kilalanin sa buong mundo bilang isang matatag na bansa. Tamang paggamit at nararapat na distribusyon ng yaman ang sagot sa matagal nang suliranin sa bansa. Walang kahirapan kung walang mga taong mapagsamantala. Nasaan na ang magagandang asal na minana natin sa ating mga ninuno? Kasabay ba itong nawala ng ating kumpiyansa na makatutulong sa atin ang pagkakaroon ng maraming wikang ipinamana nila? Kung negatibo ang tingin natin sa lahat ng bagay at hindi susurii’t titignan ang kabilang anggulo ng mga ito tulad ng pagkakaroon ng maraming wika, hindi na ako magtataka kung bakit magulo ang takbo at usad pagong ang bansa natin sa ngayon.
Naalala ko tuloy ang sinabi ng aking guro na ang mga Amerikano at hindi tayong mga Pilipino ang pinakamahusay magsalita ng Ingles. Dagdag pa niya, ang mga Amerikano raw ang gumagamit ng wikang Ingles sa araw-araw nilang pamumuhay at sa kanila na ito nagmula at umunlad. Hindi natin masasabing mas mahusay ang isang foreigner na magsalita ng Tagalog kahit gaano pa siya kahusay. Ang katutubong wika ng bansa ang siyang puso ng mga mamamayan. Hindi sapat ang pagiging mas mahusay natin sa gramatika upang sabihing mas mahusay tayong gumamit ng wika nila.
Kung magkagayon, maaari rin nating sabihin na tayo higit sa ano pa mang lahi ang pinakamahusay na magsalita ng wikang Filipino kasama ang iba’t iba pang wika sa ating bansa. Tayo rin ang tanging makapagpapayaman nito. Tayo ang siyang dapat na nagmamahal dito, tayo ang siyang dapat na nagmamalasakit at umaaruga rito. Hindi sila, hindi sa kung sino pa man. Ikaw nga! Pinoy ka, hindi ba?
Minsan, kailangan lamang nating tumahimik, damhin ang dugong dumadaloy sa ating mga ugat, ang tibok ng puso, ang himaymay ng laman, dugong bayaning isinalin sa atin ng ating mga ninuno, isang mabunying lahi na tunay na maipagmamalaki. Gamit ang tangi nating lakas ng pagkakaroon ng mayamang kultura na pinatunayan ng pagkakaroon ng maraming wika, magsama sama tayo, kapit bisig, walang bibitaw sa iisa nating layuning ibangon at iluklok ang bansa sa iniwan nitong pedestal. Gamit ang maraming wika, pagyamanin natin ang sarili nating kakayahan, magsama sama ang maliliit na nasyon gamit ang kulturang minana sa ating mga ninuno. Tulad ng super regions na binabanggit ng ating pamahalaan, hikayatin natin ang bawat isa na paunlarin ang bawat yaman sa kani kaniyang lugar, pandayin ang yamang nakukubli ng mga hindi magagandang pangyayari at matapos nating mailabas ang tunay na kinang ng mga ito, pagsamasamahin natin ito gamit ang iisang damdaming makaalpas sa kahirapan dulot ng hindi pagkakaisa.
Iisang layunin, iisang hangarin. Maraming wika ngunit iisang tinig. May isang himig ang Abakada, tulad ng mga Abakada sa iba’t ibang wika ng bansa. Pagkakaisa, pagdadamayan, pagpapaunlad at pagpapanday sa yamang iniwan ng ating mga ninuno. Iyan ang himig na matagal ko nang hindi naririnig, himig na naging mailap sa aking pandinig. Hindi ang pagkakaroon ng maraming wika ang hadlang sa pag-unlad, bagkus isa ito sa makatutulong sa pag-abot sa ating mga pangarap. Iisa lamang ang ating kailangan, iisa lamang ang hinihingi ng tagumpay, tulad ng himig ng Abakada, pagsamasamahin natin ang ating mga tinig tungo sa iisang layunin, iisang damdamin. Magkaroon ng iisang puso, iisang Pilipino sa laban ng pagiging matatag na bansa.
Kaisa ba ng himig ng aking Abakada ang ibinubulong ng sa iyo? Magkaiba man sa titik at pananalita, alam kong iisang musika ang inaawit ng mga ito.
PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)
presents
Wika2007 Blog Writing Contest
Theme: “Maraming Wika, Matatag na Bansa”
Sponsored by:
Ang Tinig ng Bagong Salinlahi
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions - Web Design and Development
Yehey.com - Pinoy to p're
The Manila Bulletin Online
WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia
Comments
Panalo!
Goodluck sa atin! voted this entry!
Kaya nga dapat mandatory ang pag-sasalita ng ibang dialect satin kahit dalawa lang para naman talagang masabi nating alam at kaya natin salitain yun!
go kuyaa!
goodluck!
sabihin ko lang yung strongpoints nitong entry mo...
una, sumunod sya sa theme na "maraming wika, matatqag na bansa"
pangalawa, positibo yung sense ng essay mo, at na justify naman kung bakit
pangatlo, tama ang gramatika, pino ang pagkakasulat
pang-apat, hay, maganda lang talaga...
sino ako?? kaibigan mo, pero binasa ko rin muna halos lahat ng entry.. di ako bias...
Godbless p're!!!
yung ibang entry patapon at walang wenta!
Ahahay! Nice job!
Hehehe. Nabuhayan tuloy ako. ^_^
Sang-ayon ako sa mga comments nilang lahat. Great job and good luck!
kahit na ga-milya ang layo ng boto ng mga ungas na yun, eh masasabi kong higit namang maganda ang entry mo!!!
I'll pray for you!
Godbless!
dahil d2 nakakuha aq ng idea pra sa essay writeing c0ntest nmin!!tenk u!!
Nakulangan lang siguro ako ng justification mo kung paano mapapatatag ng maraming wika natin ang ating bansa.
Sinadya kong hindi bumoto ng kahit na sino dahil hindi ako talaga sang-ayon sa paksa ng Wika writing contest.
I think you did good (amongst others). Sana manalo ka. ^_^